Palalalimin pa ng Cotabato City Police ang kanilang paghuhukay ng iba pang mga impormasyon hinggil sa Oyod Robbery Case na naganap noong Hulyo 30 sa kabila ng pagsuko ng arkitekto sa naturang panloloob at mga kasapakat na sangkot nito.
Sa naging panayam kay CCPO Director PCol. Joel Estaris, di natatapos sa pagsuko ng mga suspek at pagbabalik sa magasawang MP Sittie Fahanie at Engr. Khoimeni Oyod ng mga ninakaw nito kundi bubusiin din aniya ng kanilang pagiimbestiga ang mga natatanggap nilang detalye para mapanagot ang mga nararapat na panagutin sa kaso.
Apat na suspek na ng Oyod Robbery Case ang sumuko sa mga autoridad kabilang na ang mismong personal security ng mag-asawang Oyod na si Cpl. Saddam Mustapha na itinuturong arkitekto ng naturang pagnanakaw sa magasawa.
Nabawi mula sa mga ito ang tinatayang 15 milyong piso na halaga ng pera at alahas na pagaari ng magasawang Oyod.