Naaresto ang isang 49-anyos na tricycle driver matapos ang buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng PDEA Isabela Provincial Office, Ilagan City Police Station, IPPO/PDEU, at RIU PIT Isabela noong Hunyo 2, 2026 bandang 3:20 ng hapon sa Purok 4, Barangay Pillar, Ilagan City.

Kinilala ng mga awtoridad ang suspek sa alyas na “Sulit”, may asawa at residente ng Barangay Gaddang, Reina Mercedes, Isabela. Ayon sa ulat, nahuli umano siya habang nagsasagawa ng bentahan ng ilegal na droga sa isinagawang operasyon.

Narekober mula sa suspek ang isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng puting kristalinong substansiyang pinaniniwalaang shabu, na may tinatayang timbang na isang gramo at standard value na Php 6,800, kasama ang marked buy-bust money at isang itim na Honda TMX motorcycle na walang plaka na ginamit umano sa transaksiyon.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng mga arresting unit habang inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang kaso sa tanggapan ng piskalya.

Sinabi ng mga awtoridad na ipinapakita ng matagumpay na operasyon ang mahigpit na koordinasyon ng iba’t ibang law enforcement agencies sa kampanya kontra ilegal na droga. Tiniyak din nila ang pagpapatuloy ng mas pinaigting na anti-drug operations upang mapanatili ang mas ligtas at drug-free na komunidad.