Ibinalik na sa regular na limang araw na on-site work schedule ang lahat ng tanggapan at empleyado ng Pamahalaang Panlungsod ng Cotabato, batay sa inilabas na Memorandum Order No. HR No. 26-139 ng Office of the City Mayor na may petsang June 4, 2026.

Ayon sa kautusan, epektibo simula Hunyo 5, 2026, tuluyan nang itinigil ang Work From Home arrangement tuwing Biyernes, at muling ipatutupad ang regular na oras ng trabaho mula Lunes hanggang Biyernes, alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.

Sa naturang memo, inatasan din ang lahat ng opisina na ipatupad ang energy conservation measures upang matiyak ang episyenteng paggamit ng kuryente at mga pampublikong resources.

Kabilang dito ang paggamit ng air conditioning units mula alas-9 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon lamang, habang hinihikayat ang paggamit ng electric fans sa labas ng nasabing oras.

Inaatasan din ang mga department at office heads na tiyakin ang mahigpit na pagpapatupad ng kautusan at pagsunod ng kanilang mga kawani, kabilang ang iba pang hakbang upang mabawasan ang konsumo ng kuryente sa kani-kanilang tanggapan.

Sinabi ng lokal na pamahalaan na ang hakbang ay bahagi ng patuloy na pagpapaigting sa maayos na paghahatid ng serbisyo publiko at responsableng paggamit ng pondo at enerhiya ng gobyerno.