Ipinahayag ni Chief Minister Abdulraof Macacua na mananatili siyang tapat sa tungkulin at sa umiiral na batas sa pamamahala ng Bangsamoro Government.
Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni Macacua na ang desisyon ng MILF Central Committee ay kanyang iginagalang bilang bahagi ng disiplina at kasaysayan ng kanilang pakikibaka.
Ayon pa sa Chief Minister, ang anumang posisyon o titulo ay hindi makapagbabago sa kanyang pagkatao at sa layunin ng kanilang ipinaglaban sa loob ng mahabang panahon.
Giit niya, ang kasalukuyang panahon ay panahon na ng kapayapaan na nangangailangan ng mas mataas na antas ng tungkulin at pananagutan sa gobyerno.
Ipinunto rin ni Macacua na ang kanyang pag-upo bilang Chief Minister ay hindi pribilehiyo kundi mandato upang mamuno ayon sa batas at prinsipyo ng good governance.
Binigyang-linaw din niya na ang isyu kaugnay ng COA findings sa umano’y P2 bilyong pondo sa edukasyon ay usaping legal at hindi pulitikal.
Ayon sa kanya, obligasyon ng liderato ng BARMM na tiyakin ang ganap na transparency at accountability sa paggamit ng pondo ng bayan.
Iginiit din ng opisyal na mahalaga ang pagpapatibay ng mga institusyon upang mas maging matatag ang autonomous government at hindi nakadepende sa personal na ugnayan.
Tiniyak din niya na tuloy-tuloy ang operasyon ng BARMM ministries at hindi naaantala ang paghahatid ng serbisyo publiko sa rehiyon.
Kasabay nito, nanawagan si Macacua sa publiko na manatiling kalmado at huwag magpadala sa mga usaping pulitikal na maaaring magdulot ng pagkakahati-hati.
Sa huli, sinabi ng Chief Minister na mananatili siyang lingkod ng Bangsamoro at magpapatuloy sa pagtupad ng tungkulin para sa kapayapaan, batas, at mamamayan.

















