Dalawang hinihinalang sangkot sa ilegal na droga na kabilang sa Regional Target List (RTL) ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Barangay Poblacion IX, Cotabato City.

Pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Maguindanao del Norte Provincial Office ang operasyon, katuwang ang iba’t ibang yunit ng pulisya at mga ahensiyang pang-intelihensiya. Kabilang sa mga lumahok ang PNP Maritime Group, City Intelligence Team (CIT), PNP Drug Enforcement Group Special Operations Unit 15, National Intelligence Coordinating Agency (NICA)-BARMM, City Intelligence Unit (CIU), City Drug Enforcement Unit (CDEU), Provincial Intelligence Team (PIT), at Regional Intelligence Action Team (RIAT) ng Police Regional Office BARMM.

Kinilala ng mga awtoridad ang mga naarestong suspek sa mga alyas na “Rajib” o “Raj” at “Majid” o “Madjed,” na matagal nang minamanmanan dahil sa umano’y pagkakasangkot sa ilegal na kalakalan ng droga.

Nasamsam mula sa mga suspek ang anim na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng humigit-kumulang 30 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na Php 204,000. Narekober din sa operasyon ang isang kalibre .22 na riple na may magazine, isang pistola na may magazine, iba’t ibang live ammunition, mga dokumentong pinansyal, dalawang mobile phone, at ilang identification cards.

Kasalukuyang nakadetine ang mga suspek sa PDEA BARMM detention facility habang hinihintay ang pagsasampa ng mga kaukulang kaso sa inquest proceedings.

Mahaharap ang mga naaresto sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, gayundin sa Republic Act No. 10591 o ang Illegal Possession of Firearms and Ammunition.

Patuloy namang pinaiigting ng mga awtoridad ang kampanya laban sa ilegal na droga upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.