Nasabat ng mga awtoridad ang tinatayang P22.5 milyong halaga ng mga kontrabandong sigarilyo sa isinagawang joint maritime law enforcement operation sa karagatang sakop ng Barangay Lapas, Carmen, Davao del Norte.

Pinangunahan ng Joint Task Force Sinaya katuwang ang Criminal Investigation and Detection Group o CIDG-Mati, Davao Oriental ang operasyon na nagresulta sa pagkakasabat sa barkong M/V Nur Aira at pagkakaaresto sa limang tripulante nito noong June 4.

Sa inspeksyon ng mga operatiba, natuklasan ang humigit-kumulang 900 master cases ng mga pinaniniwalaang smuggled cigarettes na kinabibilangan ng mga brand na Greenhill, Bosqu, Walton, at Cannon.

Bukod sa mga tripulante ng barko, naaresto rin ang tatlong indibidwal na hinihinalang tatanggap ng kontrabando habang sakay ng dalawang Nissan Navara pickup trucks, isang Isuzu Travis L300 van, at dalawang container vans.

Nasamsam din sa mga suspek ang iba’t ibang uri ng baril at bala, kabilang ang isang Caliber 5.56 CMMG Banshee AK57 rifle, isang Caliber 9mm Glock pistol, mga magazine, at mahigit 180 piraso ng live ammunition.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDG-Mati ang mga naarestong indibidwal, sasakyan, armas, at mga nakumpiskang sigarilyo para sa masusing imbestigasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso.

Ayon sa Joint Task Force Sinaya, patunay ang matagumpay na operasyon ng pinaigting na kampanya ng mga awtoridad laban sa smuggling at iba pang iligal na aktibidad sa mga karagatang sakop ng kanilang nasasakupan.