Iginiit ni BARMM Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua na ang kanyang naging aksyon kaugnay ng mga isyung ibinangon ng Commission on Audit (COA) sa humigit-kumulang P2.2 bilyong pondo ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) ay bahagi ng kanyang legal at moral na tungkulin bilang pinuno ng Bangsamoro Government at hindi usaping pulitikal.

Sa inilabas na pahayag kasunod ng kanyang indefinite suspension bilang Chief of Staff ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF), sinabi ni Macacua na hindi dapat manaig ang pulitika o personal na relasyon sa pagpapatupad ng pananagutan sa paggamit ng pampublikong pondo.

Ayon sa Chief Minister, obligasyon ng pamahalaan na tugunan ang anumang seryosong katanungan kaugnay ng paggamit ng pondo ng bayan upang mapanatili ang integridad at kredibilidad ng mga institusyon ng Bangsamoro Government.

Binigyang-diin niya na ang paggalang sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ay nakasalalay sa kakayahan nitong ipakita na mas matatag ang mga institusyon kaysa sa mga personal na ugnayan ng mga opisyal nito.

Ang pahayag ni Macacua ay lumabas kasabay ng mga usaping may kaugnayan sa MBHTE at sa naging desisyon ng kanyang administrasyon laban kay dating Education Minister Mohagher Iqbal, isa sa mga beteranong lider ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Gayunman, ipinunto ng Chief Minister na ang pananagutan sa pamahalaan ay hindi dapat maimpluwensyahan ng matagal nang samahan o personal na relasyon, lalo na kung may mga isyung kailangang imbestigahan at tugunan.

Nilinaw rin ni Macacua na ang usapin ay hindi kaugnay ng anumang power struggle sa loob ng MILF o ng Bangsamoro Government.

Aniya, nagpapatuloy nang normal ang operasyon ng BARMM, kabilang ang paghahatid ng serbisyo publiko at paghahanda para sa nalalapit na Bangsamoro Parliamentary Elections.

Binigyang-diin pa niya na ang BARMM ay bunga ng mahigit apat na dekadang pakikibaka ng mga Bangsamoro para sa sariling pamamahala at kapayapaan, kaya mahalagang mapanatili ang matibay at mapagkakatiwalaang mga institusyon sa rehiyon.

Sa huli, nanawagan si Macacua sa mamamayang Bangsamoro na manatiling nagkakaisa at suportahan ang mga hakbang tungo sa mabuting pamamahala, transparency, at pananagutan sa loob ng pamahalaan.