Huli ng sanib pwersang kapulisan, PDEA, Coast Guard at militar ang dalawang durugista na may bitbit na droga na tinatayang aabot sa P13.6 milyong piso ang halaga sa fish port sa Tandu Bato, bayan ng Luuk sa lalawigan ng Sulu.
Umakto sa tip na ibinigay ng isang impormante at mabilis na rumesponde ang Luuk PNP kabilang na ang mga katuwang na autoridad at dito na nalambat ang dalawang suspetsadong durugista na planong sumakay ng Jungkung na kilala sa lugar bilang de motor na bangka.
Kinilala ang mga suspek sa alyas na “Ben” at “Win” nasa wastong gulang at nasamsam sa kanila ang 21 pirasong heat-sealed plastic sachets na naglalaman ng aabot sa dalawang (2) kilo gramong shabu at may halagang P13.6 milyong piso.
Matapos mahuli, agad na nagimbentaryo ang mga operatiba ng DOJ at mga lokal na opisyal ng Barangay Tandu Bato.
Nasa kustodiya na ng PDEA SULU ang mga ebidensya at mga suspek nito para sa tamang disposisyon at pagharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.