Nag-utos si Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua ng pansamantalang pagsuspinde ng mga aktibidad sa mga tanggapan ng Bangsamoro Government Center (BGC) sa Cotabato City kasunod ng lindol na yumanig sa Mindanao.
Ayon sa pahayag ni Macacua, layunin ng suspensyon na mabigyang-daan ang agarang pagsusuri sa kaligtasan ng mga gusali at matiyak ang kapakanan ng mga empleyado at mamamayan.
Iniatas din ng Chief Minister sa Bangsamoro Rapid Emergency Action on Disaster Incidence (READi) na makipag-ugnayan sa Ministry of Public Works (MPW), PHIVOLCS, at iba pang kaukulang ahensya upang patuloy na mabantayan ang sitwasyon at masuri ang structural integrity ng mga gusaling pampamahalaan, partikular sa Bangsamoro Government Center.
Pinayuhan naman ang mga kawani ng pamahalaan na manatiling alerto sa mga posibleng aftershocks at mahigpit na sundin ang mga itinakdang safety protocols. Para sa mga tanggapan na nasa labas ng BGC, inatasan silang sumunod sa mga anunsyo at direktiba ng kani-kanilang lokal na pamahalaan.
Kasunod din ng inilabas na tsunami warning para sa Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi, hinikayat ni Macacua ang mga residente sa mga baybaying lugar na sundin ang evacuation advisories at mga kautusan ng mga disaster response authorities upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Nagpahayag din ang Chief Minister ng pakikiisa sa mga mamamayang maaaring naapektuhan ng lindol at nanawagan sa publiko na manatiling kalmado, mapagmatyag, at handang tumugon sa anumang posibleng panganib habang patuloy na minomonitor ng mga awtoridad ang sitwasyon.
















