Nasabat ng mga awtoridad ang tinatayang P578,493.76 na halaga ng mga smuggled na sigarilyo sa isang joint law enforcement operation sa regional border checkpoint sa Brgy. Gastav, Banisilan, Cotabato nitong Hunyo 10, 2026.

Ayon sa Banisilan Municipal Police Station, isinagawa ang operasyon bilang bahagi ng routine checkpoint kung saan dalawang indibidwal ang naaresto habang sakay ng isang Mitsubishi Triton GLS 2WD pick-up.

Sa isinagawang inspeksyon, nadiskubre ng mga awtoridad ang humigit-kumulang 676 reams ng iba’t ibang klase ng smuggled na sigarilyo na isinakay ng mga suspek.

Agad na nakipag-ugnayan ang mga otoridad sa Bureau of Customs (BOC) para sa tamang inspeksyon, beripikasyon, at inventory ng mga nakumpiskang kontrabando. Patuloy pa rin ang imbestigasyon upang matukoy kung may iba pang sangkot sa iligal na aktibidad.

Pinuri naman ni PCOL Ramel B. Hojilla, Acting Provincial Director, ang mabilis na aksyon ng mga operatiba at binigyang-diin ang patuloy na paghihigpit sa pagbabantay sa mga border checkpoint upang masugpo ang smuggling at iba pang ilegal na gawain sa lalawigan.