Nakikiisa ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa buong bansa sa paggunita ng ika-128 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas ngayong Hunyo 12, ayon sa pahayag ni BARMM Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Macacua na ang tunay na kalayaan ay hindi lamang kawalan ng pang-aapi kundi ang patuloy na pananagutan sa pagtataguyod ng katarungan, kapayapaan, mabuting pamamahala, at paggalang sa karapatan at dignidad ng bawat mamamayan.
Hinimok din niya ang mga Bangsamoro at lahat ng Pilipino na magkaisa sa pagsusulong ng nation-building, pagpili ng integridad kaysa korapsyon, at pagpapatibay ng kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon at sa buong bansa.
Ayon kay Macacua, patuloy na magsisikap ang Bangsamoro Government na maisulong ang isang mapayapa, progresibo, at matatag na Bangsamoro na makatutulong sa pagkakaisa at pag-unlad ng buong sambayanang Pilipino.

















