Tinalakay sa magkasanib na pagdinig ng Committees on Basic, Higher and Technical Education at Finance, Budget and Management ng Bangsamoro Parliament ang panukalang P196-milyong pondo para sa pagtatatag ng maritime school sa Tawi-Tawi.
Sentro ng deliberasyon ang Parliament Bill No. 365 o ang “Tawi-Tawi Maritime School Act of 2025” na naglalayong magtatag ng isang specialized tertiary institution para sa maritime education at training sa lalawigan.
Ang panukala ay inakda ni BTA Floor Leader John Anthony Lim at humihiling ng paunang P196 milyong budget para sa pagbili ng lupa, pagpapatayo ng mga gusali, pagbili ng kagamitan, pasahod sa mga empleyado, maintenance, at iba pang operational expenses.
Ayon kay Lim, planong itayo ang paaralan sa bayan ng Bongao upang mas maging accessible ito sa mga residente ng buong lalawigan. Kapag naaprubahan, inaasahang makapagtatanggap ito ng unang batch ng mga estudyante sa loob ng tatlong taon.
Nagpahayag naman ng suporta si CFBM Chair Kitem Kadatuan Jr. sa panukala, ngunit binigyang-diin ang kahalagahan ng maayos na dokumentasyon at wastong paggamit ng pondo ng gobyerno.
Samantala, sinabi ni CBHTE Chair Tomanda Antok na magpapatuloy pa ang pagsusuri ng komite sa susunod na joint hearing upang mapino ang detalye ng pondo at matiyak na kumpleto ang mga kinakailangang requirements bago ito tuluyang iendorso.

















