‎Kinumpirma ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP) na mayroon nang itinalagang acting secretary general ang partido kasunod ng mga pagbabago sa pamunuan nito.

‎Sa panayam ng Star FM Cotabato, sinabi ni UBJP Spokesperson Engr. Mohajirin Ali na siya ang piniling magsilbing acting secretary general ng partido batay sa naging desisyon ng Central Committee at Central Party Committee ng UBJP.

‎Ayon kay Ali, naging mahalaga ang agarang pagtalaga ng pansamantalang secretary general dahil kinakailangan ng partido na magkaroon ng mga opisyal na kakatawan dito sa mga opisyal na pagdinig ng Commission on Elections (COMELEC), kabilang ang pagdinig kaugnay ng petisyon ng UBJP para sa dominant party status.

‎Ipinaliwanag niya na isang linggo matapos ang pagpupulong ng partido ay kinakailangan na nilang humarap sa COMELEC kasama ang iba pang opisyal at mga legal counsel ng partido.

‎Sinabi ni Ali na siya ang inatasang kumatawan sa UBJP sa naturang pagdinig kasama sina UBJP Vice President for Women Engr. Aida at mga abogado ng partido.

‎Ayon pa sa kanya, ang kanyang pagkakatalaga bilang acting secretary general ay alinsunod sa isang resolusyon ng Central Committee at sa direktiba ng pamunuan ng partido.

‎Matatandaang si Bangsamoro Chief Minister Abdulraof Macacua ang dating nagsisilbing secretary general ng UBJP bago ang mga kamakailang pagbabago sa loob ng organisasyon.

‎Sa kasalukuyan, patuloy ang paghahanda ng UBJP para sa nalalapit na kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections sa Setyembre 2026.