‎Mariing itinanggi ni Moro Islamic Liberation Front (MILF) Peace Implementing Panel Chair Mohagher Iqbal ang mga paratang na nakikialam siya sa nalalapit na Bangsamoro Parliamentary Elections (BPE) at umano’y nagsusulong ng mga hakbang upang maantala ito.

‎Ginawa ni Iqbal ang pahayag kasunod ng mga ulat at komentaryong nag-uugnay sa kanya sa mga legal na hakbang na kumukuwestiyon sa ilang batas na may kaugnayan sa redistricting sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

‎Ayon kay Iqbal, bahagi lamang ng tinawag niyang “black propaganda” ang mga alegasyong siya ay kontra sa pagsasagawa ng kauna-unahang parliamentary elections sa rehiyon.

‎Iginiit niya na nananatiling suportado ng kanilang hanay ang halalan, bagay na aniya’y makikita sa patuloy na paghahanda ng kanilang partido para sa eleksiyon na nakatakda sa Setyembre 14, 2026.

‎Binigyang-diin ni Iqbal na hindi dapat ituring na pagsalungat sa halalan ang paggamit ng mga legal na remedyo upang suriin o kuwestiyunin ang mga batas na pinaniniwalaang may mga probisyong nangangailangan ng masusing pagrepaso.

‎Aniya, nakapaloob sa demokratikong proseso ang karapatan ng mga mamamayan at mga grupo na maghain ng mga legal na hakbang kung naniniwala silang may mga usaping dapat linawin o itama.

‎Partikular na tinukoy ni Iqbal ang usapin ng redistricting sa Lanao del Sur na aniya’y nararapat pang mapag-aralan upang matiyak na naaayon ito sa batas at interes ng mga mamamayan.

‎Samantala, nilinaw rin ni Iqbal na hindi niya itinuturing na kabiguan ang kanyang pagkakatanggal bilang minister ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE).

‎Sa isang personal na pahayag, sinabi niyang nakikita niya ang naturang pangyayari bilang pagkakataon upang makalaya mula sa mga sitwasyong naging mabigat para sa kanya habang nanunungkulan.

‎Iginiit pa ni Iqbal na nananatili ang kanyang tiwala na sa tamang panahon ay lilitaw ang buong katotohanan at mananaig ang katarungan sa gitna ng mga kontrobersiyang kinahaharap niya.