Kinuwestiyon ng dating ministro ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) ang umano’y “selective” na pagpapatupad ng kampanya laban sa korapsyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), kasunod ng mga isyung ibinabato laban sa kanilang ahensya.

Ayon kay dating MBHTE Minister Mohager Iqbal, dapat ay pantay-pantay ang pagtingin at imbestigasyon sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan at hindi lamang nakatuon sa MBHTE.

Giit niya, kung talagang layunin ang paglaban sa korapsyon, lahat ng ahensya ay dapat sumailalim sa pare-parehong pagsusuri at hindi iisang sektor lamang ang binibigyan ng matinding pagtutok.

Nag-ugat ang isyu sa mga pagdinig sa Bangsamoro Parliament kung saan tinalakay ang ilang alegasyon gaya ng umano’y pagkakaroon ng dobleng pangalan sa isang plantilla item at mga usaping may kaugnayan sa transition ng mga empleyado sa MBHTE.

Binigyang-diin din ng dating opisyal na hindi lamang MBHTE ang dapat busisiin, kundi pati ang paggamit ng pondo sa iba pang opisina ng BARMM government.

Kabilang sa kanyang tinukoy ang contingency fund ng Office of the Chief Minister na aniya ay umaabot sa mahigit P11 bilyon, at ikinumpara ito sa national government na may tinatayang P13 bilyon na pondo para sa buong bansa.

Nanawagan si Iqbal ng mas malawak at mas malalim na pagsusuri sa paggamit ng pondo ng gobyerno upang matiyak ang transparency at pananagutan sa publiko.

Dagdag pa niya, dapat ding busisiin ang proseso sa pagpapalabas ng calamity funds at iba pang pondo ng pamahalaan.

Nilinaw naman niya na wala siyang direktang akusasyon laban sa Office of the Chief Minister, kundi panawagan lamang para sa mas malawak na oversight sa lahat ng ahensya.

Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang mga pagdinig ng Bangsamoro Parliament kaugnay ng iba’t ibang isyu sa pamamahala, kabilang ang payroll system, personnel concerns, at paggamit ng pondo sa rehiyon.