Inihain sa Korte Suprema ang petisyon na humihiling na ideklarang unconstitutional ang 2026 budget ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ang petisyon ay inihain nina Abdulsukor Mustapah at Bohari Lampatan Te, na humihiling din na mapahinto ang implementasyon ng Bangsamoro Autonomy Act (BAA) 85 sa pamamagitan ng temporary restraining order (TRO) at iba pang kaukulang relief.

Layon ng mga petitioner na kuwestiyunin ang legalidad ng naturang budget, partikular ang ilang probisyon na umano’y hindi naaayon sa 1987 Konstitusyon at Bangsamoro Organic Law.

Sentro ng usapin ang nakalaang P11 bilyong contingency fund sa ilalim ng Office of the Bangsamoro Chief Minister. Giit ng mga kumukuwestiyon, masyado umano itong malaki kumpara sa P13 bilyong contingency fund ng Office of the President para sa buong bansa, kaya’t kinukuwestiyon ang istruktura ng alokasyon.

Ipinunto rin na ang naturang halaga ay malayo sa dating contingency allocation ng rehiyon na umaabot lamang sa humigit-kumulang P600 milyon.

Sa kabuuan, umaabot sa P114 bilyon ang 2026 budget ng BARMM, kung saan P47 bilyon o 41 porsyento ang nakalaan sa Office of the Chief Minister. Kabilang dito ang P17.5 bilyon para sa imprastraktura at modernisasyon na kinukuwestiyon din dahil umano sa kakulangan ng malinaw na detalye at cost estimates.

Bukod dito, iginiit sa petisyon na hindi umano nasunod ang probisyon ng batas na dapat ay prayoridad ang edukasyon. Mula sa orihinal na panukalang P32 bilyon, ibinaba ito sa P26 bilyon.

Nabawasan din ang pondo ng ilang sektor gaya ng social services, environment, at agrikultura, habang nadagdagan naman ang alokasyon para sa ehekutibong tanggapan ng rehiyon.