Nasabat ang aabot sa P300,000 na halaga ng iligal na droga matapos mapadaan ang may dala nito sa isang checkpoint operations ng kapulisan sa Baryo Buayan, bayan ng Datu Piang Maguindanao del Sur.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Jack Macaalay, 35 anyos, residente ng nasabing bayan habang nakatakas naman ang kasama nito.
Sakay ng payong-payong ang suspek ng dadaan sana ito sa lugar ngunit ng mamataan nito ang checkpoint ay bigla itong bumalikwas sanhi upang harangin ito ng pulisya.
Samantala, ang isang kasamahan nito na drayber ng payong-payong ay agad na tumakbo papalayo sa checkpoint sabay tuluyang nakatakas.
Nakuha sa suspek ang limampung (50) gramo ng iligal na gamot na nagkakahalaga ng aabot sa P340,000, isang brown wallet, cellphone at mga ID cards.
Matapos ang operasyon, agad namang dinala sa prisinto ng Datu Piang MPS ang suspek para harapin ang kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 habang kasalukuyan namang hinahanap ng pulisya ang nakatakas na kasamahan nito.