Nakaranas ng pagbaha ang ilang barangay sa Cotabato City kasunod ng mga pag-ulan na nakaapekto sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.
Dahil dito, nagsagawa ng on-site assessment ang Rapid Damage Needs Assessment (RDANA) Team ng Cotabato City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO).
Partikular na sinuri ng grupo ang Mother Barangay Rosary Heights upang matukoy ang mga lugar na madalas bahain at masuri ang kalagayan ng mga drainage system.
Kabilang din sa kanilang inspeksyon ang mga kanal na nangangailangan ng desilting at cut-out operations upang mapabuti ang daloy ng tubig.
Ayon sa CDRRMO, layunin ng assessment na matukoy ang mga posibleng panganib na dulot ng pagbaha at makapaglatag ng mga rekomendasyon para mabawasan ang epekto nito sa komunidad.
Tinutukan din ng mga tauhan ang pagsusuri sa mga imprastrakturang maaaring makaapekto sa mabilis na pag-agos ng tubig sa panahon ng malalakas na pag-ulan.
Sinabi ng tanggapan na mahalaga ang maagang pagtukoy sa mga problemang may kaugnayan sa drainage system upang maiwasan ang mas malawak na pagbaha sa mga susunod na pag-ulan.
Patuloy rin umano ang koordinasyon ng lokal na pamahalaan sa mga barangay upang mapalakas ang kahandaan ng mga residente laban sa mga sakuna.

















