Nagtipon ang mga iskolar ng Islam, ulama at mga lider-panrelihiyon mula sa iba’t ibang bahagi ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at karatig lugar sa kauna-unahang Bangsamoro Ulama Summit na ginanap sa Cotabato Cit ngayong araw ng Kinggo, June 21..

Courtesy: BMP

Layunin ng pagtitipon na talakayin ang mga usaping may kinalaman sa kapayapaan, pagkakaisa at pag-unlad ng komunidad ng Bangsamoro. Naging daan din ito upang higit na mapalakas ang ugnayan at kooperasyon ng mga lider-panrelihiyon sa rehiyon.

Kabilang sa mga dumalo sa summit sina Mufti Abdulraof Guialani, Bangsamoro Wali Sheikh Muslim Guiamaden, Dr. Nadir Ebil at iba pang mga kilalang personalidad sa larangan ng Islam. Nakibahagi rin ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor na may mahalagang papel sa pagsusulong ng kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon.

Courtesy: BMP

Itinampok sa mga talakayan ang papel ng mga ulama sa pagpapatatag ng kapayapaan at pagpapaigting ng pagkakaisa sa hanay ng mamamayang Bangsamoro. Tinalakay rin ang mga kasalukuyang hamon na kinakaharap ng lipunan at ang posibleng ambag ng mga lider-panrelihiyon sa pagtugon sa mga ito.

Ayon sa mga tagapag-organisa, mahalagang magkaroon ng isang plataporma kung saan maaaring magbahagi ng pananaw at rekomendasyon ang mga iskolar ng Islam hinggil sa mga isyung nakaaapekto sa kanilang mga komunidad. Inaasahan ding makatutulong ang summit sa pagpapalakas ng partisipasyon ng mga ulama sa pagsusulong ng mabuting pamamahala at pangmatagalang kaunlaran sa Bangsamoro.

Samantala, inaasahang magsisilbing pundasyon ang kauna-unahang Bangsamoro Ulama Summit para sa mas malawak na pagtutulungan ng mga lider-panrelihiyon sa mga susunod na taon. Layunin nitong higit pang mapatatag ang pagkakaisa at mapalawak ang kontribusyon ng sektor ng mga ulama sa paghubog ng kinabukasan ng rehiyon.