Napilitang maglakad patungo sa kanilang mga opisina ang ilang miyembro ng Bangsamoro Parliament matapos maapektuhan ng matinding trapiko ang paligid ng Bangsamoro Government Center dahil sa malaking pagtitipon na ginanap nitong Lunes.
Kabilang sa mga nakitang naglakad sina MP Atty. Kitem D. Kadatuan Jr., MP Dr. Tomanda Antok, MP Atty. Naguib Sinarimbo, MP Butch Malang, at MP Romeo Sema. Naging mabagal ang daloy ng trapiko sa lugar bunsod ng pagdagsa ng mga kalahok sa rally mula sa iba’t ibang bahagi ng Bangsamoro region.
Ang naturang pagtitipon ay isinagawa ng iba’t ibang grupo na nagsusulong ng mga panawagan para sa pananagutan, transparency, at mga reporma sa pamahalaan ng BARMM. Libu-libong katao ang dumalo sa aktibidad na naging sanhi ng pagsisikip ng trapiko sa ilang pangunahing kalsada sa lungsod.
Samantala, patuloy ang pagbabantay ng mga awtoridad upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa lugar. Nagsagawa rin ng mga traffic management measures ang mga kinauukulang ahensya upang mabawasan ang epekto ng pagsisikip ng daloy ng sasakyan sa mga apektadong lugar.

















