Sinuspinde ang klase sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan sa Cotabato City ngayong Lunes, June 22, kasunod ng patuloy na pagdagsa ng mga kalahok sa isang malaking pagtitipon sa lungsod.

Ayon sa lokal na pamahalaan, ang hakbang ay bunsod ng lumalaking bilang ng mga tumugon sa panawagan ng isang civil society organization na nagsusulong ng suporta sa moral governance. Batay sa ulat ng Public Safety Office at Cotabato City Police Office, patuloy ang pagdating ng mga kalahok sa Bangsamoro Government Center kung saan idinaraos ang naturang rally.

Dahil sa dami ng mga dumadalo, nagsagawa na ng rerouting ang mga awtoridad upang mapanatili ang maayos na daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan ng lungsod. Inaasahan ding makararanas ng mabigat na daloy ng sasakyan sa ilang bahagi ng Cotabato City habang nagpapatuloy ang aktibidad.

Nanawagan naman ang lokal na pamahalaan sa lahat ng kalahok na panatilihin ang kaayusan, disiplina at mapayapang paglahok sa pagtitipon. Hinikayat din ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad upang maiwasan ang anumang aberya o insidente.

Samantala, nakaantabay ang mga tauhan ng Cotabato City Police Office, Philippine Marines, Public Safety Office at City Traffic Management Command upang tiyakin ang seguridad at kaayusan sa buong panahon ng pagtitipon. Patuloy rin ang kanilang monitoring sa sitwasyon upang masiguro ang kaligtasan ng mga kalahok at ng publiko.