Ipinaliwanag ng Cotabato City Police Office (CCPO) ang kanilang naging hakbang kaugnay ng isinasagawang “Bangsamoro Initiative for Peace, Progress and Solidarity” sa Cotabato City, na dinaluhan ng tinatayang higit 100,000 katao mula sa iba’t ibang sektor kabilang ang community leaders, kababaihan, at civil society groups.
Ayon kay Police Lieutenant Rochelle D. Evangelista, tagapagsalita ng CCPO, agad na nagpatupad ng komprehensibong security plan ang Philippine National Police (PNP) katuwang ang iba’t ibang security sectors, lokal na pamahalaan, at ang Bangsamoro Government upang matiyak ang kaligtasan ng mga kalahok at ng komunidad.
Binigyang-diin ng CCPO spokesperson na pangunahing prayoridad ng operasyon ang seguridad ng mga dumalo sa pagtitipon gayundin ang kapakanan ng mga residente sa paligid ng lugar.
Aminado rin ang opisyal na isa sa mga naging hamon ay ang mabigat na daloy ng trapiko, lalo na’t tumapat ang pagtitipon sa oras ng rush hour kung saan sabay ang pagpasok ng mga estudyante at mga manggagawa.
Gayunman, tiniyak ng pulisya na patuloy ang kanilang traffic management operations upang maibsan ang congestion at mapanatili ang kaayusan sa mga pangunahing kalsada.
Ayon pa sa CCPO, nasa mahigit 450 police personnel ang na-deploy bilang augmentation force, at maaari pa itong umabot sa humigit-kumulang 500 depende sa sitwasyon sa ground.
Giit ng pamunuan, mahalaga ang pinagsanib-puwersang aksyon ng mga security at government sectors upang mapanatili ang kapayapaan, seguridad, at maayos na daloy ng naturang malakihang pagtitipon.

















