Isang drug personality na kabilang sa Regional Target List ang naaresto ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 12 sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Kenram, Isulan, Sultan Kudarat, Martes ng gabi.
Kinilala ang suspek sa alyas na “DanDan,” 42-anyos, binata, walang trabaho, at residente ng nasabing barangay.
Ayon sa PDEA, bandang alas-10:40 ng gabi nang ikasa ng mga operatiba ng Sultan Kudarat Provincial Office, katuwang ang Isulan Municipal Police Station, ang operasyon sa Purok Don Vicente.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang limang gramo at may tinatayang halaga na P34,000. Narekober din sa kanya ang buy-bust money na ginamit sa operasyon.
Ang nakuhang ilegal na droga ang mismong isinailalim sa transaksyon sa pagitan ng suspek at ng poseur-buyer.
Nahaharap ngayon ang naarestong suspek sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

















