Sugatan ang isang 22-anyos na payong-payong driver matapos masangkot sa insidente ng pagsabog ng granada sa Barangay Curahab, Malabang, Lanao del Sur nitong Huwebes, Hunyo 25.
Kinilala ng pulisya ang biktima sa alyas na Sali, may asawa at residente ng Barangay Jose Abad Santos sa naturang bayan.
Ayon sa ulat ng Malabang Municipal Police Station, dakong alas-2:00 ng hapon nang makatanggap sila ng impormasyon mula sa isang concerned citizen hinggil sa naganap na pagsabog sa isang barangay road sa Brgy. Curahab.
Sa isinagawang imbestigasyon, napag-alaman na umano’y naghagis ng isang hand grenade ang mga sakay ng isang puting minivan habang dumaraan sa lugar. Sa kasamaang-palad, nadamay ang biktima na nagkataong bumibiyahe sa naturang lugar nang maganap ang insidente.
Nagtamo ang biktima ng sugat sa kanang bahagi ng tiyan matapos tamaan ng piraso ng metal mula sa sumabog na granada at agad na isinugod sa Dr. Serapio B. Montañer Hospital para sa agarang lunas.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga hindi pa nakikilalang suspek patungo sa hindi pa matukoy na direksyon.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon at hot pursuit operation ng Malabang MPS upang matukoy at maaresto ang mga responsable sa insidente. Nakikipag-ugnayan na rin ang pulisya sa mga karatig na himpilan para sa pagsasagawa ng dragnet operations.

















