Muling tiniyak ng Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity na si Secretary Mel Senen Sarmiento ang matatag na paninindigan ng pamahalaan sa ganap na pagpapatupad ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) at sa pagpapatuloy ng proseso ng kapayapaan sa Bangsamoro.

Sinabi ni Sarmiento na nananatiling nakatuon ang Pamahalaan ng Pilipinas sa pagtataguyod ng isang mapayapa, matatag, maunlad, at may sariling pamamahalang Bangsamoro. Aniya, mahalagang pangalagaan at palakasin ang mga tagumpay na nakamit sa proseso ng kapayapaan sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ng lahat ng sektor.

Binigyang-diin din ni Sarmiento na patuloy na pinaiigting ng pamahalaan ang mga mekanismo at programa na sumusuporta sa usaping pangkapayapaan, kabilang ang pagsusulong ng sapat na pondo para sa mga prayoridad ng peace process sa panukalang pambansang badyet para sa taong 2027.

Habang hinihintay ang pagtatalaga ng bagong Chairperson ng Government Peace Implementing Panel, sinabi niyang nananatiling aktibong nakikibahagi ang Tanggapan ng Pangulo sa pagpapatupad ng CAB. Iginiit din niya na nananatiling matatag ang suporta ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kasunduan at sa pagpapalawak ng mga benepisyo ng kapayapaan para sa mamamayan ng Bangsamoro.

Kaugnay ng nalalapit na kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), nanawagan si Sarmiento sa lahat ng sektor na tiyakin ang mapayapa, maayos, at kapani-paniwalang halalan. Aniya, mahalagang mapanatili ang integridad ng proseso ng eleksyon at ang kapayapaan sa rehiyon upang matagumpay na maisagawa ang makasaysayang halalan.

Nilinaw rin ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) na nananatili itong non-partisan at ang lahat ng programa nito ay nakatuon lamang sa mandato nitong isulong ang kapayapaan, kaunlaran, at pagpapatuloy ng mga institusyong naitatag sa ilalim ng CAB, at hindi bilang pakikialam sa proseso ng halalan o pagsuporta sa sinumang kandidato o grupo.

Sa huli, hinikayat ni Sarmiento ang mga lokal na pamahalaan, civil society organizations, mga lider ng relihiyon, sektor ng edukasyon, kababaihan, kabataan, pribadong sektor, media, at bawat mamamayan ng Bangsamoro na makiisa sa pagsusulong ng kapayapaan, kaunlaran, at pagkakaisa.

Ayon kay Sarmiento, magpapatuloy ang OPAPRU sa pakikipagtulungan sa pamahalaan ng BARMM at iba pang peace mechanisms upang matiyak ang isang mapayapa, masigla sa ekonomiya, at maunlad na Bangsamoro para sa susunod na mga henerasyon.