Tuluyan nang lumabas sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Severe Tropical Storm Gardo alas-9:30 ng umaga nitong Biyernes, Hunyo 26, ayon sa pinakahuling Tropical Cyclone Bulletin ng PAGASA.

Sa tala ng weather bureau, alas-10:00 ng umaga nang matukoy ang sentro ng bagyo sa layong 1,310 kilometro silangan-hilagang-silangan ng pinakahilagang bahagi ng Luzon. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 95 kilometro kada oras malapit sa gitna, pagbugsong hanggang 115 kilometro kada oras, at kumikilos pahilaga sa bilis na 50 kilometro kada oras.

Bagama’t wala nang nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal sa anumang bahagi ng bansa, patuloy pa ring nakaaapekto ang Habagat o Southwest Monsoon na pinalalakas ng bagyo.

Ayon sa PAGASA, inaasahang magdadala ang Habagat ng malalakas hanggang gale-force na bugso ng hangin sa malaking bahagi ng Luzon ngayong Hunyo 26. Bukas, Hunyo 27, mararanasan naman ang malalakas na hangin sa Batanes, Babuyan Islands, Ilocos Norte, at Ilocos Sur.

Nagbabala rin ang ahensya sa mga mangingisda at maliliit na sasakyang pandagat dahil sa maalon hanggang sa maalon na karagatan sa ilang baybayin ng Hilagang Luzon. Pinapayuhan ang mga gumagamit ng maliliit na bangka na huwag pumalaot, lalo na sa karagatan ng Batanes, habang ang ibang sasakyang pandagat ay pinapayuhang mag-ingat sa paglalayag.

Samantala, tinatahak na ng Bagyong Gardo ang direksyong hilagang-hilagang-silangan patungo sa timog ng Japan at inaasahang mapananatili ang kasalukuyang lakas nito sa susunod na 12 oras.

Patuloy namang hinihikayat ng PAGASA ang publiko at mga lokal na pamahalaan na maging mapagmatyag sa mga abiso ukol sa malalakas na pag-ulan, thunderstorms, at iba pang panganib na dulot ng Habagat, gayundin ang pagsunod sa mga paalala at kautusan ng mga lokal na awtoridad upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.