Nasabat ng mga awtoridad ang mahigit P4 milyong halaga ng mga hinihinalang smuggled cigarettes sa isinagawang intelligence-driven operation sa shoreline ng Sultan Naga Dimaporo, Lanao del Norte nitong madaling-araw kahapon June 26.

Ayon sa ulat, dakong alas-2:00 ng madaling-araw nang magsagawa ng joint operation ang Sultan Naga Dimaporo Municipal Police Station, katuwang ang iba pang law enforcement units, sa kahabaan ng shoreline ng Purok 3, Barangay Bangaan.

Anim na indibidwal ang naaresto sa operasyon. Kinilala lamang sila sa mga alyas na Shid, 22-anyos; Ren, 26-anyos; Abdul, 40-anyos at driver o operator ng bangka; Sam, 23-anyos; Noy, 20-anyos, na pawang mga residente ng Barangay Kawit, Pagadian City; at alyas Yoy, residente ng Barangay Dableston, Sultan Naga Dimaporo, Lanao del Norte.

Nakumpiska rin sa operasyon ang isang asul na motorized boat na tinatayang nagkakahalaga ng P350,000, gayundin ang 101 kahon ng Platinum brand cigarettes na may tinatayang market value na mahigit P4.04 milyon.

Batay sa paunang imbestigasyon, pinaniniwalaang nagmula sa Picong, Lanao del Sur ang naturang mga sigarilyo bago dinala sa Sultan Naga Dimaporo.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Sultan Naga Dimaporo Municipal Police Station ang anim na suspek, habang ang mga nakumpiskang ebidensya ay inilagak muna sa 2nd Provincial Mobile Force Company para sa safekeeping, dokumentasyon, at nakatakdang i-turn over sa Bureau of Customs para sa kaukulang disposisyon.

Samantala, tiniyak ng kapulisan na magpapatuloy ang pinaigting na anti-smuggling operations sa rehiyon upang mapigilan ang pagpasok at distribusyon ng mga kontrabando. Hinikayat din nila ang publiko na agad iulat sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o sa 911 ang anumang kahina-hinalang aktibidad na may kaugnayan sa smuggling.