Arestado ang dalawang armadong suspek habang isa pa ang patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad matapos ang isang engkuwentro sa Barangay Macabenban, Carmen, Cotabato noong Hunyo 26, 2026.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), nagsimula ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang opisyal ng barangay hinggil sa presensya ng mga armadong kalalakihang umano’y gumagala sa lugar at may dalang matataas na kalibre ng baril.

Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Carmen Municipal Police Station, katuwang ang 2nd Cotabato Provincial Mobile Force Company (CPMFC) at Charlie Company ng 40th Infantry Battalion ng Philippine Army upang beripikahin ang ulat.

Sa pagdating ng mga operatiba sa lugar, umano’y pinaputukan sila ng armadong grupo na nagbunsod ng maikling palitan ng putok. Tumakas ang mga suspek sa magkakaibang direksyon, ngunit dalawa sa kanila ang naaresto matapos ang pagtugis. Wala namang naiulat na nasugatan sa hanay ng mga pwersa ng gobyerno.

Kinilala ng pulisya ang dalawang naarestong suspek bilang mga lalaking magsasaka na may edad na 39 at 43, kapwa residente ng Carmen, Cotabato. Samantala, ang isa pang 38-anyos na lalaking magsasaka mula rin sa nasabing bayan ay nakatakas at patuloy na tinutugis ng mga awtoridad.

Nasamsam sa operasyon ang tatlong M1 Garand rifles na may mga magazine clip at live ammunition, isang improvised shotgun na may magasin at mga bala, at isang fragmentation hand grenade.

Isasailalim ang mga nakuhang baril sa ballistic at cross-matching examination ng Provincial Forensic Unit, habang ang granada ay ipapasa sa Explosive and Canine Unit para sa tamang pagproseso.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang dalawang naarestong suspek. Inihahanda na rin ang pagsasampa ng mga kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Republic Act No. 9516 o Illegal Possession of Explosives sa pamamagitan ng inquest proceedings.

Samantala, nagpapatuloy ang operasyon ng mga awtoridad upang matunton at madakip ang natitirang suspek.

Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ipinapakita ng matagumpay na operasyon ang kahalagahan ng pakikipagtulungan ng komunidad sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.

“Ang pagkakasamsam ng mga baril at pag-aresto sa mga armadong suspek ay patunay ng aming matatag na hangarin na pigilan ang karahasan bago pa ito lumala. Patuloy naming hahabulin ang sinumang naglalagay sa panganib sa ating mga komunidad at sisiguruhing mananagot sila sa ilalim ng batas,” ani Nartatez.

Hinimok din ng PNP ang publiko na patuloy na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon upang agad na matugunan ang mga banta sa kanilang komunidad.