Tiniyak ni Bangsamoro Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” A. Macacua ang patuloy na pagtutulungan ng pamahalaan, mga local government units, security sector, at iba pang partner agencies upang matiyak ang mapayapa, maayos, at kapani-paniwalang pagsasagawa ng kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections.

Ito ang naging mensahe ng Punong Ministro kasunod ng isinagawang 2nd Quarter Meeting ng Bangsamoro Regional Peace and Order Council (BRPOC), kung saan tinalakay ang pagpapalakas ng koordinasyon at mga hakbang para mapanatili ang kapayapaan at kaayusan bago ang makasaysayang halalan sa rehiyon.

Ayon kay Chief Minister Macacua, bawat mahalagang yugto ng Bangsamoro Peace Process ay nagpapatunay na ang pangmatagalang kapayapaan ay naitataguyod sa pamamagitan ng pagkakaisa at sama-samang pananagutan. Aniya, nananatiling nakatuon ang Bangsamoro Government sa pangangalaga sa mga naabot na tagumpay ng proseso ng kapayapaan habang isinusulong ang kapakanan at mithiin ng mamamayang Bangsamoro.

Binigyang-diin din ng Punong Ministro ang kahalagahan ng patuloy na pagtutulungan ng lahat ng sektor upang matiyak ang maayos na paglipat tungo sa bagong yugto ng pamamahala sa Bangsamoro at maisulong ang layunin ng isang mas matatag na rehiyon.