Nagpahayag ng suporta ang ilang matataas na opisyal ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), kabilang ang anim na gobernador ng rehiyon, sa panawagan para sa mas pinaigting na koordinasyon sa pagitan ng pambansang pamahalaan at ng Bangsamoro Government.
Ayon kay Ministry of the Interior and Local Government (MILG)-BARMM Minister Jordan Bayam, mahalaga ang patuloy na pagtutulungan ng dalawang antas ng pamahalaan upang maisulong ang kapayapaan, kaunlaran, at mahusay na pamamahala sa rehiyon.
Sinabi ni Bayam na naniniwala ang mga lider ng BARMM na mahalaga ang papel ni Special Assistant to the President (SAP) Anton Lagdameo Jr. sa pagpapalakas ng ugnayan sa pagitan ng Malacañang at ng Bangsamoro Government.
Aniya, nakatutulong umano ito sa pagpaparating ng mga prayoridad at pangangailangan ng rehiyon sa pambansang pamahalaan.
Binigyang-diin din ng opisyal na mahalaga ang patuloy na koordinasyon sa pagitan ng national government at BARMM habang isinusulong ng rehiyon ang mga programa para sa kapayapaan at kaunlaran.
Ang pahayag ni Bayam ay kasunod ng mensahe ni Lagdameo sa ika-145 Full Council Meeting ng Regional Development Council-X at 2026 State of the Region Address sa Cagayan de Oro City. Sa naturang pagtitipon, sinabi ni Lagdameo, sa ngalan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na mahalagang magtulungan ang mga ahensya ng pamahalaan, local government units, pribadong sektor, at civil society upang maisulong ang inclusive growth.
Ayon pa kay Bayam, ang patuloy na komunikasyon at kooperasyon sa pagitan ng pambansa at rehiyonal na pamahalaan ay mahalaga sa pagpapanatili ng katatagan at pagsuporta sa democratic transition ng BARMM, lalo na sa nalalapit na kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections sa Setyembre 2026.
Ayon sa MILG-BARMM, inaasahang makatutulong ang pagpapatuloy ng koordinasyon sa pagitan ng pambansa at rehiyonal na pamahalaan sa pagpapatatag ng kapayapaan, pagpapabilis ng mga programang pangkaunlaran, at pagpapabuti ng paghahatid ng serbisyo sa mga komunidad ng Bangsamoro.

















