Pormal nang idineklara ng Barangay Berwar sa bayan ng Tangcal, Lanao del Norte bilang persona non grata ang mga Local Terrorist Group o LTGs, kabilang ang Dawlah Islamiyah–Maute Group, SRC5 New People’s Army o NPA, at iba pang Local Leftist Extremists o LLEs.
Isinagawa ang ceremonial signing ng deklarasyon sa loob ng 125th Base Command ng Moro Islamic Liberation Front o MILF sa Tangcal, sa pangunguna ng 52nd Mechanized Infantry o Masaligan Company at 5th Mechanized Infantry Battalion, katuwang ang 2nd Mechanized Infantry Brigade, Local Government Unit ng Tangcal, Tangcal Municipal Police Station, MILF ng Tangcal, at mga opisyal at residente ng Barangay Berwar.
Ayon sa mga opisyal, layunin ng hakbang na ipakita ang matatag na pagkakaisa ng pamahalaan, security forces, MILF, at ng komunidad sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lugar.
Binigyang-diin din na ang deklarasyon ay sumasalamin sa sama-samang paninindigan ng iba’t ibang sektor laban sa terorismo at iba pang banta sa seguridad, kasabay ng pagsusulong ng pangmatagalang kapayapaan, kaunlaran, at mas ligtas na kinabukasan para sa mga residente ng Barangay Berwar at ng buong bayan ng Tangcal.

















