Patay ang dalawang manggagawa sa isang duckery matapos matagpuang walang buhay sa isang liblib na bahagi ng Sitio Bakoko, Barangay Matagabong, Ampatuan, Maguindanao del Sur, noong Miyerkules ng umaga, Hulyo 1.
Kinilala ang mga biktima na sina Jeroy Porras Dabid, 31-anyos, binata, at Noel Porras Deala, 31-anyos, may asawa. Kapwa sila residente ng Barangay Paitan, Esperanza, Sultan Kudarat at nagtatrabaho bilang duckery workers.
Batay sa ulat, bandang 7:55 ng umaga nang makatanggap ng tawag ang Ampatuan Municipal Police Station hinggil sa pagkakatagpo sa dalawang bangkay sa naturang lugar na nasa humigit-kumulang 6.2 kilometro mula sa national highway. Agad namang nagsagawa ng joint response operation ang mga pulis kasama ang tropa ng 90th Infantry Battalion ng Philippine Army dahil ang lugar ay itinuturing na sensitibo at naiulat na pinamumugaran ng mga hinihinalang miyembro ng Dawla Islamiya.
Sa pagdating ng mga awtoridad, nadatnan nilang inilalabas na ng pamilya ng mga biktima ang kanilang mga labi mula sa pinangyarihan ng insidente. Sa paunang pagsusuri, kapwa nagtamo ng tig-isang tama ng bala sa ulo ang dalawang biktima.
Ayon sa kanilang pamilya, nagtungo ang dalawa sa lugar dakong alas-4 ng hapon noong Martes upang magpakain at magpastol ng mga itik, ngunit hindi na nakabalik at kalaunan ay natagpuang patay kinabukasan.
Nakarekober ang mga rumespondeng awtoridad ng isang basyo ng bala na hinihinalang mula sa isang caliber 5.56 na baril, na isasailalim sa ballistic examination ng Provincial Forensic Unit.
Hindi na itinuloy ang crime scene processing ng forensic team matapos hilingin ng pamilya na agad nang dalhin ang mga labi sa Heaven Funeral Parlor sa Barangay Sagasa, Esperanza, Sultan Kudarat, dahil na rin sa umiiral na banta sa seguridad sa lugar.
Patuloy ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang mga responsable sa pamamaril. Isa sa mga pangunahing tinitingnang motibo ay ang posibilidad ng mistaken identity, dahil hindi residente ng lugar ang mga biktima at kabilang sa grupong Ilonggo, samantalang karamihan sa mga naninirahan sa lugar ay mga Maguindanaon. Pinaniniwalaan ding maaaring napagkamalan silang mga impormante ng pamahalaan.
Nagpatupad na rin ang pulisya ng dragnet checkpoint operations sa mga karatig na bayan sa koordinasyon ng Armed Forces of the Philippines upang matunton ang mga suspek, na nananatiling hindi pa nakikilala.

















