Naglabas ng abiso ang MCWD Management hinggil sa posibleng paghina ng pressure o pansamantalang pagkawala ng suplay ng tubig sa ilang service areas sa Sabado, Hulyo 4, 2026.
Ayon sa abiso, ito ay bunsod ng nakatakdang power interruption ng National Grid Corporation. Bagama’t may nakahandang generator set (genset) ang bawat pumping station at bulk water plant, maaari pa ring maapektuhan ang normal na distribusyon ng tubig sa ilang lugar.
Dahil dito, pinapayuhan ng MCWD ang lahat ng concessionaires na mag-imbak ng sapat na suplay ng tubig bago ang nakatakdang power interruption upang matiyak na may magagamit habang isinasagawa ang maintenance sa linya ng kuryente.
Nagpasalamat naman ang pamunuan ng MCWD sa pang-unawa at pakikipagtulungan ng publiko sa gitna ng inaasahang pansamantalang abala sa serbisyo ng tubig.

















