Patuloy na tinutugis ng pulisya ang suspek sa pamamaril na ikinasugat ng dalawang babaeng nagtitinda ng prutas sa gilid ng Orchids Street, Barangay Ubalde, Davao City, bandang alas-7:15 kagabi July 5.

Kinilala ang mga biktima sa mga alyas na Jem, 48-anyos, at Rove, 36-anyos, na kapwa residente ng Barangay Ubalde.

Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, naglalatag ng kanilang panindang prutas ang dalawang biktima nang huminto sa kanilang harapan ang isang kulay asul na Yamaha NMAX. Bigla umanong bumunot ng baril ang rider at ilang beses silang pinaputukan bago mabilis na tumakas.

Ayon sa 13-anyos na anak ni Jem na nakasaksi sa insidente, kinilala nito ang suspek bilang kanyang stepfather.

Patuloy naman ang follow-up investigation at hot pursuit operation ng Davao City Police Office upang madakip ang suspek at mapanagot sa insidente.