Patuloy na pinaiigting ng Cotabato City Police Office o CCPO ang kampanya laban sa kriminalidad at ilegal na droga, batay sa accomplishment report nito para sa buwan ng Hunyo 2026.

Sa isinagawang 21 anti-illegal drugs operations, umabot sa 29 na indibidwal ang naaresto, habang tinatayang mahigit P327,000 halaga ng mga ipinagbabawal na droga ang nakumpiska.

Nagsagawa rin ang CCPO ng apat na operasyon laban sa mga loose firearms, na nagresulta sa pagkakasuko o pagkakakumpiska ng apat na baril.

Bukod dito, pitong wanted persons ang naaresto sa magkakahiwalay na operasyon sa lungsod bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa mga pinaghahanap ng batas.

Sa usapin naman ng peace and order, dalawang insidente ng pamamaril ang naitala noong Hunyo. Sa mga kasong ito, isa ang naresolba at isa naman ang na-clear ng mga imbestigador.

Dahil sa mga isinagawang operasyon, naitala ng CCPO ang 97.06 porsiyentong Crime Clearance Efficiency at 88.24 porsiyentong Crime Solution Efficiency sa nasabing buwan.

Ayon sa pamunuan ng CCPO sa ilalim ni City Director Police Colonel Jibin M. Bongcayao, magpapatuloy ang kanilang pinaigting na kampanya laban sa kriminalidad at ilegal na droga upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng mamamayan sa Cotabato City.