Nasawi ang isang miyembro ng Personnel Security Unit (PSU) ng South Cotabato Provincial Capitol matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang armado sa Sitio Atbangan, Barangay Tubeng, Tupi, South Cotabato, noong Miyerkules ng umaga, Hulyo 8.
Kinilala ang biktima na si Thok Andalinog, na nagsisilbing kawani ng security unit ng Kapitolyo ng South Cotabato.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, sakay ng kanyang motorsiklo ang biktima at papunta na sana sa kanyang trabaho nang tambangan at paulanan ng bala ng mga suspek.
Agad siyang isinugod sa pinakamalapit na ospital ngunit idineklara ring dead on arrival ng mga doktor dahil sa tinamong mga tama ng bala.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin at ang motibo sa pamamaril. Kasalukuyan ding nagsasagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad para sa agarang pagdakip sa mga responsable sa insidente.

















