Nasawi ang isang security guard habang sugatan naman ang isa pa matapos silang pagbabarilin sa Barangay Labangal, General Santos City, noong umaga ng Miyerkules, Hulyo 8, 2026.Kinilala ang nasawi na si Wilson Villajuan, 60 taong gulang, residente ng Sapu Padidu, Malapatan, Sarangani.

Ayon sa pulisya, nakatalaga siya sa pagbabantay ng isang lupang inaangkin ng pamilyang Espina. Isinugod naman sa ospital ang sugatang security guard, ngunit hindi pa inilalabas ng mga awtoridad ang kanyang kalagayan.

Batay sa paunang imbestigasyon, nagkaroon umano ng komprontasyon sa pagitan ng mga security personnel ng dalawang panig na kapwa umaangkin sa magkatabing lupain sa Purok Olarte, Barangay Labangal.

Nauwi umano ito sa palitan ng putok sa kahabaan ng National Highway na ikinasawi ni Villajuan.Naniniwala ang asawa ng biktima na may kaugnayan ang insidente sa matagal nang alitan sa pagmamay-ari ng lupa sa pagitan ng mga pamilyang Espina at Olarte. Gayunman, sinabi ng pulisya na hindi pa kumpirmado ang motibo at nagpapatuloy pa ang masusing imbestigasyon.

Ilang oras matapos ang insidente, nagsagawa ang pulisya ng hot pursuit operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang lalaking kinilalang sikad driver malapit sa hangganan ng Purok Olarte at Purok Mudia.

Nakumpiska rin ng mga awtoridad ang isang sako na naglalaman ng siyam na matataas na kalibreng mahahabang baril na sinusuring posibleng ginamit sa pamamaril.Mariing itinanggi ng suspek ang paratang laban sa kanya.

Samantala, nagpapatuloy ang ballistic examination, forensic investigation, at pangangalap ng mga pahayag ng mga saksi upang matukoy ang tunay na motibo ng insidente at kung may iba pang sangkot.