Arestado ang isang 64-anyos na pastor matapos ipatupad ng mga awtoridad ang warrant of arrest laban sa kanya kaugnay ng kasong Acts of Lasciviousness na may paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act sa Sto. Niño, South Cotabato.

Kinilala ng Sto. Niño Municipal Police Station ang suspek sa alyas na “JoJo,” na residente ng bayan ng Lake Sebu. Isinagawa ang pag-aresto bandang alas-12:30 ng madaling-araw noong Hulyo 7, batay sa warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 26 sa Surallah noong Hunyo 29.

Ayon sa pulisya, ang reklamo laban sa pastor ay isinampa matapos siyang akusahan ng isang menor de edad ng umano’y paggawa ng malisyosong gawain na saklaw ng nasabing batas.

Matapos ang pag-aresto, dinala ang suspek sa Lake Sebu Municipal Police Station kung saan siya pansamantalang nakapiit habang hinihintay ang commitment order mula sa korte.

Samantala, itinakda ng hukuman ang piyansang P108,000 para sa pansamantala niyang paglaya habang nagpapatuloy ang pagdinig sa kaso.

Patuloy namang pinaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na agad iulat sa pulisya ang anumang uri ng pang-aabuso laban sa mga bata upang mabigyan ng kaukulang aksyon at proteksyon ang mga biktima.