Muling hinukay ng mga awtoridad noong Hulyo 9 ang decomposed na bangkay na natagpuang nakasilid sa sako at palutang-lutang sa Pulangi River sa Barangay Nabundas, Malidegao, upang kumuha ng DNA sample para sa pagsusuri.

Ayon kay Malidegao Police Chief Captain Vilma Dimaraw, may posibilidad na ang mga labi ay kay Alkharj Zamayla, 31-anyos na hiker na nawawala mula pa noong Hunyo 12 matapos umakyat sa Mt. Kalatungan sa Bukidnon.

Nag-ugnayan ang pamilya ni Zamayla sa pulisya matapos mapakinggan ang ulat sa radyo at makita ang balita sa social media, dahil umano sa pagkakatugma ng kasuotan ng natagpuang bangkay sa huling suot ng nawawalang hiker.

Matagumpay na nakakuha ng DNA sample mula sa bangkay, na ihahambing sa sample mula sa kapatid ni Zamayla. Isasagawa ang pagsusuri sa Provincial Forensic Unit ng PRO-BAR sa Parang, Maguindanao del Norte, ngunit inaasahang aabutin pa ng ilang buwan bago mailabas ang opisyal na resulta dahil kailangan pa itong isumite sa mas mataas na forensic laboratory.

Samantala, nagpapatuloy ang hiwalay na imbestigasyon ng Bukidnon Police Provincial Office sa pagkawala ni Zamayla. Naniniwala rin ang Malidegao Police na posibleng may naganap na krimen dahil natagpuang nakatali at nakasilid sa sako ang bangkay nang marekober ito sa ilog.

Naglaan naman ang pamilya ni Zamayla ng P100,000 pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon tungkol sa kanyang pagkawala.