Patay ang dalawang lalaki habang tatlong babae ang sugatan matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa San Pablo, Barangay Rosary Heights 11, Cotabato City, madaling-araw nitong Sabado, July 11.

Kinilala ang mga nasawi na sina Ibrahim, nasa 40 taong gulang at residente ng Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, at Aldren, nasa 40 taong gulang at residente ng Esteros, Mother Tamontaka, Cotabato City.

Sugatan naman sina alyas Ada, Emma, 25-anyos at residente ng Tamontaka, Cotabato City, at Juanae, 25-anyos at residente ng Barangay Rosary Heights 6, Cotabato City.

Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, bandang alas-3:00 ng madaling-araw nang maganap ang insidente. Nakatanggap ng tawag ang mga awtoridad bandang alas-3:30 ng madaling-araw mula sa isang concerned citizen na nag-ulat ng pamamaril sa lugar. Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng pulisya sa pangunguna ni Police Major Tugaya Z. Alfonso, Station Commander.

Sa inisyal na imbestigasyon, lumabas na magkaangkas ang dalawang lalaking biktima sakay ng isang itim na Yamaha NMAX, habang magkasakay naman ang dalawang babaeng biktima sa isang Honda Click. Habang nasa naturang lugar, bigla silang pinagbabaril ng mga hindi pa nakikilalang suspek.

Sa isinagawang pagproseso sa crime scene, nakarekober ang mga imbestigador ng mga basyo ng bala na pinaniniwalaang mula sa M16 rifle at 9mm na baril.

Dinala ng mga opisyal ng barangay ang mga biktima sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) para sa agarang gamutan, ngunit idineklarang dead on arrival ang dalawang lalaking biktima ng attending physician.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin at ang motibo sa pamamaril.

Nagpatupad na rin ng lockdown protocol sa mga police checkpoints at border control points sa lungsod, habang isinasagawa ang retrieval ng mga CCTV footage sa lugar na posibleng makatulong sa paglutas ng kaso. Nagsagawa na rin ng crime scene processing ang SOCO team.