Ligtas na nailikas ng 1st Mechanized Infantry (LAKAN) Battalion ang mga na-stranded na graduating students ng Mindanao State University (MSU)-Maguindanao sa Barangay Tambunan I, Talayan, Maguindanao del Sur noong July 9, kasabay ng patuloy na malakas na pag-ulan at pagbaha na dulot ng Habagat na pinalakas ng Bagyong Inday.

Sa ilalim ng pamumuno ni Lieutenant Colonel William G. Sabado, agad na ipinakalat ng batalyon ang kanilang Disaster Response Team sa pangunguna ni Staff Sergeant Joebet B. Apin upang magsagawa ng Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR) operation.

Sa kabila ng mataas na lebel ng tubig at mapanganib na kondisyon ng panahon, matagumpay na nailikas ang mga estudyante at ligtas na naihatid sa MSU-Maguindanao upang makadalo sa kanilang nakatakdang graduation activities.

Isinagawa ang operasyon sa pakikipag-ugnayan sa Talayan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at iba pang lokal na ahensya upang matiyak ang ligtas at maayos na paglikas ng mga estudyanteng naapektuhan ng pagbaha.

Ayon sa batalyon, bahagi ng kanilang mandato ang pagbibigay ng agarang tulong at pagtugon sa mga komunidad na naapektuhan ng kalamidad, kasabay ng pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa kanilang nasasakupan.