Nasabat ng Bureau of Customs–Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ang mahigit dalawang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng tinatayang P14.29 milyon mula sa isang inbound parcel sa loob ng international cargo facility sa NAIA Complex noong Hulyo 8.

Ayon sa BOC-NAIA, idineklara ang kargamento bilang “Plastics and Ropes,” ngunit na-flag ito matapos makatanggap ng impormasyon mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na posibleng may iligal na laman ang naturang shipment.

Sa isinagawang 100 porsiyentong pisikal na inspeksyon, nadiskubre ng mga awtoridad ang kabuuang 2,102 gramo ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu na itinago sa loob ng ilang rolyo ng lubid. Tinatayang nasa P14,293,600 ang standard value ng mga nakumpiskang ilegal na droga.

Isinagawa ang operasyon sa pakikipagtulungan ng PDEA, NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group, BOC Customs Anti-Illegal Drugs Task Force, Philippine National Police Aviation Security Group, Airport Police Department, Philippine National Police Drug Enforcement Group, National Bureau of Investigation, at Bureau of Immigration.

Matapos ang pagkakasabat, agad na isinuko sa PDEA ang hinihinalang shabu para sa laboratory examination at karagdagang imbestigasyon. Patuloy naman ang follow-up operations ng mga awtoridad kaugnay sa kaso.

Iginiit ng BOC-NAIA na patuloy nitong paiigtingin ang pagpapatupad ng mga hakbang laban sa smuggling at pagpupuslit ng ilegal na droga sa bansa sa pamamagitan ng mas mahigpit na border security at mas pinaigting na koordinasyon sa iba pang law enforcement agencies.