Lumikas ang ilang residente ng Barangay Duguengen, Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao del Sur patungo sa Municipal Gymnasium ng nasabing bayan kahapon, July 12, 2026, dahil sa pangamba sa kanilang seguridad.
Ayon sa mga ulat, ilang araw nang namamataan ang pagdating at paggalaw ng iba’t ibang armadong grupo sa Sitio Lukman at Sitio Canteen ng Barangay Duguengen.
Dahil dito, nagpasya ang ilang pamilya na lumikas at pansamantalang manatili sa Municipal Gymnasium at iba pang lugar na kanilang itinuturing na mas ligtas habang patuloy na minomonitor ang sitwasyon sa kanilang komunidad.
Samantala, namahagi ng pagkain, hygiene kits, at iba pang pangunahing pangangailangan ang lokal na pamahalaan ng Shariff Saydona Mustapha sa mga residenteng pansamantalang nanunuluyan sa Municipal Gymnasium.
Pinangunahan ang pamamahagi nina Mayor Datu Sajid Andre S. Ampatuan, Vice Mayor Datu Andal Sajid S. Ampatuan VI, Municipal Councilor Bai Zandria S. Ampatuan, Datu Sajid Islam S. Ampatuan Jr., at Datu Sajid Islam U. Ampatuan.
Patuloy namang minomonitor ng mga kinauukulang awtoridad ang sitwasyon sa lugar habang isinasagawa ang kinakailangang pagtugon upang matiyak ang kaligtasan at agarang pangangailangan ng mga residenteng apektado ng sitwasyon.

















