Nasamsam ng mga awtoridad ang tinatayang P7.2 milyong halaga ng pinaniniwalaang smuggled na sigarilyo sa isang checkpoint operation sa Barangay Libertad, Kolambugan, Lanao del Norte noong Lunes, Hulyo 13.
Arestado ang 59-anyos na driver ng cargo truck at ang 16-anyos nitong kasama matapos matuklasan ang kontrabando sa kanilang sasakyan.
Batay sa ulat, una munang pinara ng mga tauhan ng 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC) ang Isuzu dropside truck dahil sa paglabag sa seatbelt law. Habang kinakausap ang mga sakay, napansin ng mga pulis ang kanilang kahina-hinalang kilos at magkakaibang pahayag, dahilan upang masusing inspeksyunin ang kargamento.
Sa isinagawang pagsusuri, nadiskubre ang 180 master cases ng mga sigarilyong may tatak na Red Modern at Green Cannon na nakatago sa ilalim ng mga sako ng kopra.
Ayon sa Police Regional Office 10 (PRO-10), nagmula umano sa Malabang, Lanao del Sur ang kargamento at nakatakdang dalhin sa Cagayan de Oro City para ibenta.
Nakumpiska rin ng mga awtoridad ang cargo truck at ang lahat ng kontrabando bilang ebidensya. Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (Republic Act 10863) sa Bureau of Customs laban sa mga sangkot.

















