Nagkaroon ng armadong engkuwentro sa pagitan ng 105th Base Command at 106th Base Command ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Barangay Kaya-Kaya, Datu Abdullah Sangki, Maguindanao del Sur kahapon ng hapon, July 15.

Ayon kay Lt. Col. Ronald E. Suscano, tagapagsalita ng 6th Infantry “Kampilan” Division at Joint Task Force Central (JTFC), walang naitalang nasawi o nasugatan sa naganap na palitan ng putok.

Sinabi ni Suscano na personal na alitan ang nakikitang motibo sa insidente.

Dagdag pa niya, kasalukuyan nang tahimik ang sitwasyon sa lugar. Posible rin aniyang nakatulong ang pagdating at pagpapatrolya ng mga tropa ng militar upang matigil ang palitan ng putok ng magkabilang panig.

Patuloy namang minomonitor ng mga awtoridad ang lugar upang matiyak na hindi na muling mauwi sa panibagong karahasan ang naturang insidente.