Extreme sacrifice na maituturing ng legal counsel ng Kingdom of Jesus Christ at ni Pastor Apollo Quiboloy na si Atty. Bobet Torreon ang naging pagsuko ng naturang pastor sa kamay ng batas.
Sa naging FB post ni Atty. Torreon, sinabi nito na nagdesisyon si Quiboloy na sumuko sa militar sapagkat di na nito kinakaya ang ginagawa na lawless violence di umano ng pulisya sa kanyang compound at ang nararanasang abuso ng kanyang mga miyembro.
Ani Torreon, kahit may karapatan ang kanyang kliyente na hintayin ang resulta ng kanyang mga inihaing legal na hakbangin, di na nito kinaya ang mga makabagbag damdamin at makabasag pusong pangyayari sa kanyang kawan.
Aniya, ang isang arrest warrant ang naging lisensya ng mga otoridad upang wasakin at gawing base pulisya ang compound, sinira at binastos ang katedral ng KOJC maging ang paghukay ng butas sa Jose Maria College o JMC, pati na rin ang mga nasaktan, namatay, kinulong, pinagnakawan at iba pa.
Aniya, nagdurugo ang puso ng pastor sa nangyari kung kayat ipinasya na nito na sumuko sa pulisya at militar. Pinasalamatan naman ng abogado si Davao Del Norte Governor Edwin Jubahib at mga kapulisan maging mga militar na kinumbinse si Quiboloy na sumuko na.