Dalawang indibidwal na kabilang sa listahan ng Regional Top Most Wanted Persons ang naaresto ng Philippine National Police (PNP) sa magkahiwalay na operasyon sa Iloilo City at Lanao del Norte noong Hulyo 14, 2026.
Sa Iloilo City, nadakip ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), katuwang ang mga lokal na pulis at intelligence units, ang isang suspek na nasa ika-10 puwesto sa talaan ng Regional Most Wanted Persons dahil sa kasong robbery.
Inaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court sa Iloilo City. Itinakda ng hukuman ang piyansang P200,000 para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Samantala, sa hiwalay na operasyon sa Lanao del Norte, naaresto rin ng police tracker teams, katuwang ang iba pang yunit ng pulisya at militar, ang isang suspek na nasa ika-9 puwesto sa Regional Most Wanted Persons dahil sa kasong murder.
Isinagawa ang pag-aresto sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court sa Kapatagan, Lanao del Norte. Walang inirekomendang piyansa para sa naturang kaso.
Ayon sa PNP, bahagi ang magkahiwalay na operasyon ng pinaigting na kampanya ng kapulisan laban sa mga wanted person upang mapanagot ang mga ito sa batas at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa mga komunidad.
Pinuri naman ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang mga operatiba dahil sa matagumpay na pagsasagawa ng operasyon. Binigyang-diin niya na magpapatuloy ang PNP sa pakikipag-ugnayan sa mga hukuman at iba pang ahensya upang matiyak na maihaharap sa tamang awtoridad ang mga indibidwal na may kinahaharap na kasong kriminal.

















