Nakatanggap ng banta ng pamamaril ang Dar Al-Uloom Wal-Hikmah Institute, Inc. (DUHII) sa pamamagitan ng mensaheng ipinadala sa opisyal nitong Facebook page kagabi, Hulyo 22.
Ayon sa pamunuan ng paaralan, nakasaad sa mensahe ang umano’y planong pamamaril na magaganap ngayong Biyernes.
Mariing kinondena ng DUHII ang anumang uri ng banta ng karahasan laban sa mga paaralan, maging ito man ay seryoso o ginawa lamang bilang biro o para sa paggawa ng online content. Ayon sa pamunuan, ang ganitong mga gawain ay nagdudulot ng takot at pangamba sa mga guro, kawani, mag-aaral, at buong komunidad ng paaralan, bukod pa sa pag-antala sa normal na daloy ng edukasyon.
Agad namang iniulat ng pamunuan ng DUHII ang insidente sa mga kinauukulang awtoridad para sa kaukulang imbestigasyon.
Hinimok din ng paaralan ang publiko na umasa lamang sa mga beripikadong impormasyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon at agad na ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang impormasyon kaugnay ng naturang banta.
Binigyang-diin ng pamunuan na walang puwang ang karahasan, pananakot, at mapanganib na biro sa loob ng mga paaralan at komunidad.

















