Sinuspinde ng Pamahalaang Panlalawigan ng Maguindanao del Sur ang klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong lalawigan bukas Hulyo 24, 2026.
Batay sa Executive Order No. 024, Series of 2026 na nilagdaan ni Governor Datu Ali M. Midtimbang, ipinatupad ang suspensyon bilang pag-iingat dahil sa banta ng Habagat na pinalalakas ng Tropical Depression Kiyapo.
Ayon sa kautusan, inaasahang magdadala ang sama ng panahon ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan at malalakas na hangin na maaaring magdulot ng pagbaha, pagguho ng lupa, at iba pang panganib sa lalawigan.
Nabatid din sa kautusan na itinaas sa Red Alert Status ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), sa pamamagitan ng Provincial Emergency Operations Center (PEOC), ang antas ng kahandaan upang masiguro ang mabilis na pagtugon sa anumang emerhensiya.
Hinikayat naman ang mga paaralan na gumamit ng alternatibong paraan ng pag-aaral upang maipagpatuloy ang edukasyon habang suspendido ang klase.
Pinayuhan din ang publiko na patuloy na subaybayan ang mga opisyal na abiso ng PAGASA at ng Pamahalaang Panlalawigan, at magsagawa ng kinakailangang pag-iingat para sa kanilang kaligtasan.

















