Nasakote ng mga awtoridad ang No. 2 Municipal Most Wanted Person ng Tubod Municipal Police Station sa Lanao del Norte sa isinagawang law enforcement operation noong Hulyo 28, 2026.

Kinilala lamang sa alyas na “Ires” ang naarestong suspek sa Purok 6, Barangay Poblacion, Tubod, matapos ipatupad ng mga operatiba ang warrant of arrest laban sa kanya.

Sa ulat ng pulisya, nagsanib-puwersa ang mga tauhan ng Tubod Municipal Police Station, 1st Special Action Battalion ng Special Action Force, MAPIO, District Intelligence Unit, at iba pang yunit ng Philippine National Police upang maisagawa ang operasyon.

Nahaharap ang suspek sa kasong murder sa ilalim ng Criminal Case No. 3123-07-2023. Ang warrant of arrest ay inilabas ng Regional Trial Court, Branch 7, 10th Judicial Region sa Tubod, Lanao del Norte noong Mayo 25, 2023.

Matapos maaresto, agad na dinala ang suspek sa Tubod Municipal Police Station kung saan isinailalim siya sa dokumentasyon at iba pang kinakailangang legal na proseso bago iharap sa hukuman.

Ayon sa pulisya, bahagi ang operasyon ng patuloy na kampanya laban sa mga wanted person at sa mahigpit na pagpapatupad ng mga kautusan ng korte sa lalawigan.